Pinangunahan ni Coast Guard District National Capital Region – Central Luzon Commander, CG Commodore Arnaldo Lim ang pagbibigay parangal para sa mga tripulante ng BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) para sa kanilang natatanging pagganap sa mga kamakailang search and rescue mission kung saan kabilang ang lumubog na fuel tanker na MV Terra Nova sa Bataan.
Sa nasabing kaganapan, binigyang pagkilala ang mga opisyal, tripulante at iba pang tauhan ng barko para sa kanilang huwarang pagsisikap na mailigtas ang sampung tripulante mula sa lumubog na barko noong Hulyo 25, 2024. Sa kasamaang palad, bahagi rin ng operasyon ang pagkuha sa labi ng naunang napabalitang nawawalang tripulante.
Pinarangalan din ang BRP Melchora Aquino para sa kanilang kapuri-puring pagsisikap sa SAR operations at medical evacuation para sa mga nasugatang tripulante ng FB Bart-2. Bukod pa rito, nagbigay ang barko ng safety and security assistance sa FB Cassandra, na kanilang inihatid mula sa layong 35 nautical miles sa kanluran ng Luzon Point papuntang Mariveles, Bataan noong Hulyo 22-23, 2024.
Higit pa rito, iginawad ang Coast Guard Outstanding Achievement Medal sa BRP Melchora Aquino para sa kanilang natatanging pakikilahok sa serye ng maritime exercises kasama ang U.S. Coast Guard Cutter Waesche noong Hulyo 16, 2024.
Kabilang sa mga pagsasanay ang Passing Exercise (PASSEX), Search and Rescue Exercise (SAREX), at Communications Exercise (COMMEX) na ginanap 15 nautical miles sa kanluran ng Lubang Island, Occidental Mindoro.
Ang mga pinagsamang operasyon na ito ay nagpakita ng best practices at standard operating procedures na mahalaga para sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa dagat.
Ang BRP Melchora Aquino ay isa sa pinakamalaki, at pinakamodernong sasakyang pandagat sa kasalukuyan ng Philippine Coast Guard. | ulat ni EJ Lazaro