Matagumpay na nakumpiska ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Northern Quezon, katuwang ang Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Real, ang mga ‘di dokumentadong finished forest products o mga kagamitang yari sa kahoy sa Port of Real, Real, Quezon.
Ayon sa ulat ng PCG, humingi ng tulong pangseguridad ang CENRO Real para kumpiskahin ang mga nasabing mga produkto. Agad namang tumugon ang Coast Guard Sub-Station (CGSS) Real at nakumpirma ang ulat na ang mga produkto ay yari sa kahoy ng Narra at hindi dokumentado.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱17,500 ang mga produktong natagpuan sa pantalan.
Dalawang residente naman mula Patnanungan at Panukulan, Quezon ang nakilala mga claimant ng mga nakumpiskang produkto, na agad namang ipinasa sa CENRO Real para sa pagsasampa ng kaso sang-ayon sa paglabag sa Presidential Decree No. 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines.
Dinala naman sa impounding area ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Brgy. Abiawin, Infanta, Quezon ang mga nakumpiskang produkto. | ulat ni EJ Lazaro