Kaisa ang Philippine Coast Guard ay umarangkada na ngayong umaga ang taunang Brigada Eskwela sa QC Science High School.
Ito ang unang araw ng Brigada Eskwela dahil na-postpone ito sa QC para bigyang-daan ang State of the Nation Address o SONA ni Pang. Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Bukod sa 50-bilang ng mga tauhan ng PCG at mga guro ay kabilang din sa mga tumulong sa pamunuan ng paaralan ang mga magulang at ilan pang mga non-governmental organizations o NGOs.
Ayon kay Principal Dr. George Manuel Martin, target ng paglilinis ngayong umaga ang perimeter wall ng paaralan na tadtad ng vandalismo.
Nagpasalamat si Martin sa mga NGO donors na nagbigay ng donasyon gaya ng pintura, semento, buhangin at iba pang mga gamit.
Kailangan din aniya na ma-trim ang mga malalaking puno sa loob ng paaralan para hindi mabuwal at magdulot ng panganib sa mga mag-aaral sa panahong may malakas na ulan at hangin.
Sa araw ng Biyernes ay nakatakda ring tumulong sa isang linggong Brigada ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection para matiyak na handa na talaga ang QC Science High School sa unang araw ng eskwela sa Lunes, July 29. | ulat ni Merry Ann Bastasa