Patuloy na tinutugunan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nangyaring paglubog ng fuel tanker na MT Terra Nova at ang pagtagas ng langis mula sa nasabing barko.
Ayon kay PCG Spokesperson CG Rear Admiral Armando Balilo, ang mga tauhan ng Marine Environmental Protection (MEP) ay gumagamit na ng oil dispersants at nangongolekta ng emulsified oil upang mabawasan ang pinsala ng oil spill sa kapaligiran.
Kahapon din ay nakipagpulong ang mga opisyal ng Coast Guard sa mga kinatawan ng kumpanya ng barko upang talakayin ang plano para sa siphoning operation, na inaasahang matatapos sa loob ng pitong araw. Tiniyak ni Balilo na habang wala namang dapat ikabahala, naghahanda sila para sa worst-case scenario. Kung mangyari ito, maari kasing maapektuhan ang katubigang sakop ng Parañaque, Maynila, Navotas, Bulacan, at Pampanga.
Sa kaparehas na araw din ay nakabalik na sa kanilang mga mahal sa buhay ang 16 na nailigtas na mga tripulante habang ang labi ng nasawing kasama ng mga ito ay naibalik na sa kaniyang pamilya.
Nakahanda naman ang mga diver ng Coast Guard para sa underwater assessments kapag bumuti na ang panahon. Isinasagawa na rin sa kasalukuyan ang isang joint marine casualty investigation na pinangungunahan ng PCG at MARINA, sa pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista. | ulat ni EJ Lazaro