Tinanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) ang donasyon na 500-square-meter na lupain sa Isla Verde, Batangas na ibinahagi ng pamilya ng retiradong Coast Guard Admiral Artemio Abu na gagamitin upang magtayo ng bagong Coast Guard Sub Station sa lugar.
Ang nasabing donasyon ay pormal na naisakatuparan sa isang seremonyang dinaluhan ng pamilya Abu at mga lokal na opisyal. Inaasahan na ang bagong substation ay magpapahusay sa operational infrastructure at capabilities ng Coast Guard sa rehiyon.
Sa pahayag ni Admiral Abu, simbolo ang nasabing donasyon ng taos-pusong pasasalamat nito sa PCG at dedikasyon ng Coast Guard sa pagbabantay ng katubigan ng Pilipinas gayundin ang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga aktibidad pandagat.
Ipinahayag naman ni CG Commodore Geronimo Tuvilla, Commander ng Coast Guard District Southern Tagalog (CGDSTL), ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa donasyon. Binanggit din nito na ang nasa strategic location ang lupain na malapit sa Verde Island Passage na kilalang sentro ng marine shorefish biodiversity sa buong mundo.
Ang pagtatatag ng Coast Guard Substation sa nasabing lupain ay lubos na magpapahusay, ayon sa PCG, sa kanilang kakayahan upang pangalagaan ang marine ecosystem ng bansa. Kasabay ng pagbibigay-diin sa inisyatiba na ito sa pangako ng CGDSTL na pangalagaan at protektahan ang lugar para sa mga susunod pang henerasyon.| ulat ni EJ Lazaro