Isinagawa ng Coast Guard District National Capital Region – Central Luzon (CGDNCR-CL) ang isang search and rescue operation matapos nilang matanggap ang isang ulat ukol sa nawawalang Ukrainian national na kapitan ng MV Cape Bonavista sa karagatang malapit sa Lubang Island, Occidental Mindoro.
Sinasabing patungo sana ng China ang barko mula Davao City nang mapansin ng mga tripulante na nawawala ang kanilang kapitan.
Ayon sa ulat, huling nakita ang kapitan sa CCTV footage noong 10:46 PM, Hulyo 6, 2024.
Ipinadala naman ng Coast Guard ang BRP Malapascua (MRRV-4403) upang magsagawa ng search and rescue operation para sa paghahanap sa nasabing kapitan.
Gumamit ang BRP Malapascua ng thermal scanner camera nito at nagsagawa ng parallel search pattern upang kung saan nasubaybayan nito ang MV Cape Bonavista malapit sa Cabra Island at nakipag-ugnayan sa Philippine Navy’s Littoral Monitoring Station para sa karagdagang tulong.
Sa kabila ng masusing paghahanap noong Hulyo 8, hindi naging tagumpay ang paghahanap ng Coast Guard kaya’t minabuti nitong bumalik ang sa kanilang istasyon upang mag-refuel.
Sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy ng BRP Suluan (MRRV-4406) ang isinasagawang search operation. | ulat ni EJ Lazaro