Binati ni Philippine Army 3rd Infantry Division Commander Major General, Marion Sison ang iba’t ibang grupo ng “Peace Advocates” sa Western Visayas sa kanilang ipinakitang pagsuporta sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito’y matapos na magsagawa ng mga peace rally, ang Alliance for Peace, Environment, and Sustainability (APES) Metro-Iloilo, kasama ang Samahan Defense Force Multiplier (SDFM), sa harap ng Iloilo Provincial Capitol sa Iloilo City; at ang Sentrong Alyansa ng mga Mamamayan para sa Bayan (SAMBAYANAN)-Negros sa Barangay Washington, Escalante City.
Sa naturang mga pagkilos, nagpahayag ng pakikiisa ang mga grupo sa adhikain ng Pangulo na wakasan na ang ilang dekadang paghahasik ng karahasan at terorismo ng kilusang komunista.
Ayon kay Maj. Gen. Sison, kahanga-hanga ang ginawang paghahayag ng saloobin ng mga nabanggit na grupo para suportahan ang programang pangkapayapaan ng pamahalaan.
Hinikayat naman ni Maj. Gen. Sison ang iba pang mga “peace group” sa rehiyon na maging mas-aktibo sa pagsulong ng kapayapaan sa pamamagitan ng paglalantad sa kasinungalingang pinapalaganap ng kilusang komunista at pagsuporta sa mga programa ng gobyerno tungo sa kaayusan at pagkakaisa. | ulat ni Leo Sarne
📸: 3ID