Muling nakaharang ang mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ng isa pang kaso ng pinaghihinalaang biktima ng pekeng Commission on Filipinos Overseas (CFO) certificate na papalabas sana ng bansa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BI, ang babaeng pasahero ay naharang noong Hulyo 13 sa NAIA Terminal 3 bago makasakay ng flight nito papuntang Nagoya, Japan.
Sa pahayag ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), ang nasabing babae ay maglalakbay upang bisitahin ang kanyang asawa sa Japan.
Nagprisenta umano ang babae ng marriage certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at sertipiko ng CFO Guidance and Counseling Program (GCP).
Gayunpaman, hindi mabasa ang barcode confirmation ng nasabing GCP certificate na ipinadala sa kanyang personal na email imbes na sa rehistradong email ng CFO, na nagmumungkahi na ito ay maaaring isang pekeng certificate.
Inamin naman kalaunan ng babae na ang certificate ay inayos ng isang lokal na fixer na nasa negosyo umano na pag-recruit at pagbiktima sa mga Pilipina.
Siniguro naman ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na hindi magtatagumpay ang paglaganap ng mga pekeng CFO certificate dahil sa mahigpit na pagmamanman at shared information system ng BI at CFO. | ulat ni EJ Lazaro