Inatasan ng Philippine Army ang lahat ng kanilang major at line unit na makipag-ugnayan sa mga regional, provincial at municipal disaster risk reduction and management offices para paghandaan ang epekto ng bagyong Carina at ng Habagat.
Ayon kay Phil. Army Spokesperson Colonel Louie Dema-ala, magiging aktibong bahagi ang Phil. Army ng itatatag na Incident Command System sa kani-kanilang area of operation para sa mas madaling koordinasyon.
Ang hakbang ay upang masigurong mabilis at epektibo ang pagtugon sa ano mang posibleng epekto ng sama ng panahon.
Samantala, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nakataas sa RED alert status ngayon ang NDRRM Operations Center.
Isinasakatuparan naman ng iba’t ibang Regional DRRMCs ang mga tinukoy na emergency preparedness and response (EPR) protocols kaugnay ng sama ng panahon. | ulat ni Leo Sarne