Nakikiisa ang Philippine Red Cross (PRC) sa pagdiriwang ng National Blood Donors Month ngayong Hulyo.
Ito ay upang bigyang-pugay ang milyon-milyong blood donors at mga organisasyong nagsisikap na matiyak ang sapat na suplay ng ligtas na dugo para sa mga Pilipino.
Kaugnay nito, ipinapaalala ng PRC ang kahalagahan ng blood donation lalo na’t ayon sa World Health Organization (WHO), dapat ay isang porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa ang nagdo-donate ng dugo bawat taon upang magkaroon ng sapat na suplay.
Sa pangunguna ni PRC Chairperson at CEO Dick Gordon, patuloy ang PRC sa pagpapalawak ng mga pasilidad at serbisyo nito para sa blood donation. Noong 2023, nakakolekta ang PRC ng mahigit 500,000 blood units at nakapagbigay ng tulong sa mahigit 200,000 pasyente.
Ayon kay Gordon, hindi natin kayang gumawa ng dugo kaya ang tanging paraan para matiyak ang sapat na suplay ng ligtas na dugo sa bawat komunidad ay ang magkaroon ng matatag na base ng regular at boluntaryong blood donors.”
Bilang bahagi ng pagdiriwang, patuloy ang PRC sa paglulunsad ng mga blood donation drive at pagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa kahalagahan ng pagdo-donate ng dugo. | ulat ni Diane Lear