Sumampa na sa ₱696.87-million ang halaga ng pinsalang idinulot ng pananalasa ng habagat at bagyong Carina sa sektor ng agrikultura, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Batay sa inilabas na assessment report ng DA-DRRM Operations Center, karamihan ng napinsalang sakahan ay mula sa Cordillera Admininstrative Region (CAR), Ilocos, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western and Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, at Caraga Regions.
Katumbas ito ng higit 35,000 na ektarya ng agricultural areas o production loss na 13,312 metriko tonelada.
Pinakaapektado pa rin ang rice sector na aabot sa higit 33,000 ektarya o katumbas ng ₱570-milyong halaga ng pinsala.
Kaugnay nito, aabot naman sa 30,827 na mga magsasaka ang naapektuhan ng habagat at bagyong Carina.
Ongoing naman ang validation at assessment ng DA sa pinsala sa agriculture at fisheries sector para agad ding matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisdang apektado.
Kabilang dito ang pamamahagi ng financial assistance, farming machineries, fishing equipment, seedlings, composting facilities, at irrigation projects. | ulat ni Merry Ann Bastasa