Nahuli na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong indibidwal na nagpapakilalang opisyal ng Malacañang at dikit umano kay Unang Ginang Liza Araneta Marcos para makapanloko.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, modus ng grupo na lapitan ang mga gustong makakuha ng posisyon sa gobyerno pati na ang nais ma-promote na Presidential appointee.
Kasama din sa kanilang target ang mga appointee ng nagdaang administrasyon na namimiligrong matanggal sa pwesto.
Mula P500 libo hanggang P1 million ang hinihingi ng grupo para lang maproseso ang mga papeles ng kanilang bibiktimahin.
Napatunayan ng NBI na walang koneksyon sa Malacañang ang mga suspek at ang nangangalang Atty. JV Cruz at isang Assistant Secretary.
Dinakip ang mga suspek sa isinagawang operasyon ng NBI mula sa La Union hanggang sa Quezon City.
Nabatid ng NBI na may mga kinakaharap nang kasong estafa, illegal recruitment at usurpation of authority ang grupo ni alyas Atty. JV Cruz.| ulat ni Rey Ferrer