Naniniwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nangangailangan nang magkaroon ng pagbabago sa gagawing mga flood control plan.
Sa situation briefing sa Mauban, Quezon, inihayag ng Pangulo na dapat nang maging isang malaking plano ang tungkol sa flood control ngayong may pagbabago na sa sitwasyon sa usapin ng tubig baha.
Sinabi ng Pangulo na kung dati-rati aniya o sa nakaraan ay alam kung saan padaan ang takbo ng tubig, ngayon ayon sa Pangulo ay iba na gayong walang boundary na tinatahak ang tubig.
Dagdag ng Punong Ehekutibo na mas mataas na rin ngayon ang dagat kaysa sa dati at hindi na rin aniya nararamdaman ang epekto ng pagdaragdag lang sa patong ng dike.
Kaya ang utos ng Pangulo, gumawa ng kailangang hakbang para sa flood control management.
Sa nasabing situation briefing ay pinatitiyak din ng Pangulo na mahahatiran ng tulong ang sinumang nangangailangan kasunod ng naranasanag kalamidad. | ulat ni Alvin Baltazar