Nilinaw ngayon ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chair Al Tengco na iisa lang ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ang internet gaming licensees o IGLs.
Kasunod na rin ito ng pag usisa nina Surigao del Sur Representative Robert Ace Barbers at ACT Teachers Party-list Representative France Castro, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety at Games and Amusement ukol sa POGO related crimes.
Ani Tengco, pinalitan ng POGO at ginawang internet gaming licensees o IGLs dahil sa pangit na imaheng dala nito.
Sabi pa ni Tengco, wala namang pagkakaiba ang dalawa maliban sa pinalitan ang structure pati na ang guidelines sa operasyon ng IGLs.
Ipinaliwanag din ng PAGCOR Chair, na wala silang kontrol sa mga ilegal na POGO pero ang IGLs na nasa ilalim ng kanyang hurisdiksyon ay tiyak na ipatitigil bilang pagtalima sa utos ng Pangulo.
Diin naman ni Barbers na ngayon pa lang ay simulan na ang crackdown ng lahat ng POGO.
Dapat din aniya magtulungan ang PAGCOR, Department of Foreign Affairs, Department of Justice, Bureau of Immigration, Anti-Money Laundering Council, at Department of Labor and Employment sa pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Hindi rin aniya dapat kaligtaan na panagutin ang mga POGO worker na sangkot sa mga krimen gaya ng investment scams, kidnapping, murder, prostitution, at human trafficking.
Bukod pa aniya ito sa panunuhol ng ilang mga opisyal ng gobyerno para makakuha ng pekeng dokumento at pagkakakilanlan bilang Pilipino.
“We should not just let go of these POGOs. We should also investigate deep, prosecute and jail all their workers who committed various crimes. They all deserve appropriate punishment under our laws,” diin ni Barbers | ulat ni Kathleen Forbes