Ikinukonsidera muli ng Department of Agriculture ang posibleng pagpapalawig sa ipinatutupad ngayong import ban sa sibuyas.
Ito bunsod ng nananatiling mataas na imbentaryo ng lokal na sibuyas sa bansa.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, batay sa kanilang datos, ay nasa higit 162,000MT ang imbentaryo ng lokal na sibuyas na nakaimbak sa cold storage facilities.
Ang suplay na ito, posibleng tumagal pa ng hanggang walong buwan o 276 na araw.
Paliwanag ni Asec. De Mesa, masusing pagaaralan ni Agri Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., kung dapat na ba muling mag-angkat ng imported na suplay o hindi muna para hindi bumagsak ang presyo nito sa merkado at tamaan ang local producers.
Magkakaroon din aniya ng konsultasyon sa lahat ng stakeholders bago magkaroon ng desisyon sa pagaangkat. | ulat ni Merry Ann Bastasa