Patuloy ang pagsasagawa ng Public-Private Partnership (PPP) Center at ang Urban Connect Project ng United States Agency for International Development (USAID) ng mga seminar para mapabuti pa ang pagbibigay ng pampublikong serbisyo sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships (PPPs) sa siyam na pangunahing lungsod sa Pilipinas.
Pinamagatang “Introduction to the PPP Code and its Implementing Rules and Regulations” ang seminars ay naglalayong bigyan ng kaalaman at kakayahan ang mga local government units (LGUs) sa pamamahala ng mga PPP project.
Ang dalawang araw na seminar sa Lungsod ng Iloilo kamakailan ay nagtampok ng talakayan sa Republic Act No. 11966 o ang Public-Private Partnership Code ng Pilipinas, kung saan dumalo ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.
Isang Memorandum of Agreement (MOA) naman ang nilagdaan sa pagitan ng PPP Center at ng Pamahalaang Lungsod ng Iloilo upang magbigay ng payo sa proyekto at teknikal na tulong para sa mga lokal na proyektong PPP. Sinabi ni Deputy Executive Director Jeffrey Manalo na sisikapin nitong maipatupad ng matagumpay ang mga lokal na PPP projects na magsisilbing modelo para sa iba pang LGUs.
Binigyang-diin ni Mayor Jerry Treñas ang kahalagahan ng kasunduang ito, na tumitiyak na naaayon ang mga PPP sa bagong balangkas ng batas upang mapabuti ang mga imprastruktura at serbisyo.
Magpapatuloy naman ang serye ng seminar na ito sa iba pang partner cities, na sumusuporta sa sustainable local development sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng mga PPP initiatives. | ulat ni EJ Lazaro