Nagkaroon ng paggalaw sa presyo ng ilang pangunahing bilihin sa bansa partikular ng agricultural commodities sa ikalawang bahagi ng Hunyo batay yan sa pinakahuling monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, kabilang sa tumaas ang presyo ng karne ng baboy, luya, at kamatis.
Nasa dalawang piso ang itinaas sa presyo ng baboy na nasa ₱305.30 kada kilo mula sa ₱303.76 ang kada kilo sa unang bahagi ng Hunyo.
Tumaas rin sa ₱80.07 ang retail price ng kada kilo ng kamatis, mula sa ₱71.47 sa unang phase ng Hunyo.
Nagkaroon din ng pagtaas na hanggang ₱15.00 ang luya na mula sa ₱185.87 kada kilo ay umakyat na sa ₱200.88 sa huling bahagi ng Hunyo.
Samantala, nagkaroon naman ng bahagyang pagbaba sa presyo ng bigas, galunggong, calamansi, at asukal.
Sa tala ng PSA, naitala sa ₱51.14 ang kada kilo ng regular milled rice.
Bumaba rin ang presyo ng galunggong na mula sa ₱196.22 ay nasa ₱193.98 kada kilo sa huling bahagi ng Hunyo.
Ang kalamansi, bumaba rin ng dalawang piso ang kada kilo na ngayon ay nasa ₱94.12 kada kilo habang ang refined sugar naman ay bumaba rin sa ₱87.19 kada kilo. | ulat ni Merry Ann Bastasa