Naglalaro sa ₱20 hanggang ₱40 ang itinaas ng presyo ng gulay sa Agora Public Market sa San Juan City.
Ayon sa mga nagtitinda, ito ay dahil na rin sa epektong dulot ng pananalasa ng hanging habagat na pinaigting pa ng nagdaang bagyong Carina.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nasa ₱40 ang itinaas ng luya na ngayo’y nasa ₱250 ang kada kilo gayundin ang carrots na nasa ₱160 na ngayon ang kada kilo, at okra na nasa ₱150 na ang kada kilo.
Nasa ₱20 naman ang itinaas ng ampalaya na ngayo’y nasa ₱120 ang kada kilo, gayundin ng patatas na nasa ₱120 na ngayon ang kada kilo, at ang sayote na nasa ₱60 na ngayon ang kada kilo.
Wala namang paggalaw sa presyo ng iba pang gulay gaya ng kamatis na nasa ₱200 pa rin ang kada kilo, talong at sibuyas na kapwa nasa ₱100 ang kada kilo, bawang ay nasa ₱150 ang kada kilo.
Habang ang repolyo at pechay Baguio ay kapwa nasa ₱60 pa rin ang kada kilo. | ulat ni Jaymark Dagala