Inaabangan na ng mga mamimili ang pagbaba ng presyo ng kamatis matapos sumipa ang presyo nito sa ₱200 ang kada kilo.
Ito’y kasunod na rin ng pahayag ng Department of Agriculture (DA) na asahan ang pagbaba sa presyo ng kamatis dahil na rin sa pagdating ng mga suplay na inani mula sa Nueva Vizcaya.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nasa ₱10 hanggang ₱30 ang ibinaba sa presyo ng ilang gulay gaya ng luya na nasa ₱250 na ang kada kilo mula sa dating ₱280 ang kada kilo.
Ang kamatis ay nasa ₱180 ang kada kilo, ampalaya na nasa ₱100 na ngayon ang kada kilo mula sa dating ₱110, nasa ₱190 naman ang kada kilo ng talong habang kapwa nasa ₱100 naman ang presyo ng kada kilo ng sibuyas at okra.
Nananatili namang mataas ang presyo ng bawang na nasa ₱150 ang kada kilo, patatas at carrots ay kapwa nasa ₱120 ang kada kilo habang ang repolyo at pechay Baguio ay kapwa nasa ₱70 ang kada kilo.
Samantala, nananatiling walang paggalaw sa presyuhan ng mga karne ng baboy, manok, at baka gayundin ng isda. | ulat ni Jaymark Dagala