Araw-araw tumataas ang presyuhan ng sariwang karne ng manok sa Kalentong Market sa Mandaluyong City.
Kaya naman ang mga namimili, “frozen” na manok muna ang tinatangkilik dahil di-hamak na mas mura ito kumpara sa sariwang manok.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, pumapalo lamang sa ₱160 ang kada kilo ng frozen na karne ng manok kumpara sa sariwa na nasa ₱200 ang kada kilo.
Ayon sa mga namimili, wala naman silang nakikitang masama sa pagkain ng frozen na manok dahil wala namang pinagkaiba ang lasa nito basta’t lutuin lamang maigi.
Nabatid na batay sa datos ng United Broilers Raisers Association (UBRA), tumaas kasi ang farm gate price ng manok na siya namang dahilan ng pagtaas ng presyo nito na ipinapasa sa mga konsyumer.
Samantala, nananatili ring mataas ang presyuhan ng itlog bunsod sa kakapusan ng suplay at mataas na farm gate price.
Naglalaro sa ₱200 hanggang ₱300 ang kada tray ng medium hanggang extra large na itlog.
Kaya dahil sa mahal na presyo ng manok at itlog, may ilang mamimili na umiiwas muna at sa halip ay lumilipat sa isda at gulay para mas makatipid. | ulat ni Jaymark Dagala