Nananatiling mataas ang presyuhan ng manok sa Pasig City Mega Market bunsod na rin ng kakulangan sa suplay nito mula sa mga poultry raiser.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nagkakahalaga ang bawat whole dressed chicken sa ₱180 ang kada kilo habang mas mahal ang choice cuts na nasa ₱220 ang kada kilo.
Paliwanag ng mga nagtitinda ng manok, ngayon pa lamang kasi bumabawi ang ilang poultry raiser mula sa Batangas na pansamantalang tumigil noong panahon ng tag-init.
Ngunit kung mapapansin, mas mura pa ang ibinebentang karne ng manok sa Pasig Mega Market kumpara sa iba pang mga palengke sa Metro Manila.
Nabatid na sa ibang palengke, sumirit pa mula sa ₱190 hanggang ₱250 ang kada kilo ng manok batay sa huling monitoring ng Department of Agriculture (DA).
Pero para sa United Broiler Raisers Association (UBRA), lubhang napakataas ng presyuhang na-monitor ng DA at naniniwala silang posibleng may nananamantala rito. | ulat ni Jaymark Dagala