Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez na maipagpapatuloy ang programa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na layong magbigay ng direktang tulong sa mga mangingisda at magsasaka sa buong bansa.
Kasabay ito ng pagbisita ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk (PAFF) program ng pamahalaan sa Palawan ngayong araw.
Sinamahan ni Romualdez, na siya ring legislative caretaker ng Palawan 1st at 3rd district, ang Pangulo sa pagpapaabot ng utlong sa may 10,000 benepisyaryo mula Palawan at Marinduque.
“Ang programang ito ay ang Presidential Assistance To Farmers and Fisherfolk o PAFF na laan para sa lahat ng magsasaka at mangingisda sa buong bansa. Ito ay bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na palakasin ang sektor ng agrikultura at pangingisda …We are very, very proud to be working under your leadership. I assure you, in the upcoming budget, these programs and projects of yours will be fully supported by the House of Representatives,” sabi ni Romualdez
Ayon pa sa House leader ang pagpapaabot ng tulong ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura ay makakatulong sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain at pagpapababa sa presyo nito.
Kinilala din nito ang importanteng papel ng mga magsasaka at mangignisda kaya naman marapat lang na masiguro na sila ay hindi rin magugutom.
“Kayo po – ang ating mga magsasaka at mangingisda – ang nagpapakain at bumubuhay sa buong bansa. Obligasyon ng ating gobyerno na tiyaking busog din lagi ang inyong mga pamilya at may maliwanag na kinabukasan para sa inyong mga anak. Sa pagbibigay ng suporta sa inyo, mapapalakas natin ang produksyon ng pagkain at masisiguro na abot-kaya ang presyo ng mga ito para sa ating mamamayan,” he said.
Dagdag pa ni Romualdez, siniguro ni PBBM na isa ang Palawan sa unang mabibigyan ng pagkakataon na mapaunlad ang agrikultura at pangingisda dahil na rin sa masaganang likas na yaman at magagandang tanawin. | ulat ni Kathleen Forbes