Kinumpirma ng Department of Agriculture na tuloy na tuloy na ngayong linggo ang opisyal na pag-arangkada ng Project 29 sa Kadiwa Centers.
Ngayong lunes, nagkaroon ng special meeting ang mga opisyal ng DA sa pangunguna ni Agri Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., para plantsahin na ang pinal na panuntunan sa programa.
Ayon kay DA Asec. Arnel de Mesa, asahan na ang mas “improved” na Kadiwa sa ilalim ng programa at malawakang bentahan ng P29 kada kilong bigas dahil hindi lang sa Metro Manila aarangkada ang programa kundi sa ibang lugar sa labas ng NCR.
Dagdag pa ni Asec. De Mesa, hindi lang bigas ang maisasama sa Project 29 kundi iba pang agri fishery products.
Kasama naman ngayon sa isinasapinal ng DA ang mga ipatutupad na adjustment sa bentahan para mas mapadali sa bawat sektor ang pagbili sa Kadiwa Centers. | ulat ni Merry Ann Bastasa