Iginiit ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig na may mga panuntunang kailangang sundin hinggil sa pamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad.
Ito ang binigyang diin ng LGU matapos magviral sa social media ang hindi pagsunod ni Taguig 2nd District Rep. Pammy Zamora sa protocol gayundin ang paninigaw nito sa isang tauhan ng evacuation center sa Brgy. Fort Bonifacio noong isang linggo.
Ayon sa Taguig LGU, lahat ng donasyon ay dapat may koordinasyon sa City Social Welfare and Development Office upang isailalim sa tamang accounting at maayos na maipamahagi sa mga apektadong residente.
Nabatid na nakita sa viral video na pinagagalitan ni Cong. Zamora ang mga empleyado ng Gat. Andres Bonifacio High School dahil hindi siya pinapasok para makapagpamahagi ng relief goods.
Maayos naman siyang pinagpaliwanagan ng CSWDO hinggil sa mga umiiral na panuntunan, ngunit sa halip na makinig ay bigla na lang itong nagsisigaw at ipinahiya ang mga nangangasiwa roon.
Una rito, umani ng kaliwa’t kanang batikos mula sa mga netizen si Rep. Zamora dahil sa kaniyang ginawa. | ulat ni AJ Ignacio