Naniniwala ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na magsisilbing modelo ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program sa Pasay sa urban renewal at redevelopment ng informal settlements sa Metro Manila.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, nakasentro ang naturang pabahay sa pagtitiyak na may maayos na matitirahan ang mga informal settler families alinsunod na rin sa direktiba ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr.
Punto ng kalihim, hindi lamang ito pabahay, kundi magiging showcase area ito kung papano natin babaguhin ang mga lugar sa gilid ng mga estero sa mas kaaya-aya at maunlad na komunidad.
Kamakailan lang nang lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) ang DHSUD sa Pasay LGU at Manila International Airport Authority (MIAA) para sa pagarangkada ng pabahay.
Sakop nito ang ongoing nang pagtatayo ng temporary shelters sa staging area para sa ISFs na kailangang irelocate habang itinatayo ang 4PH project sa Pasay City.
“Ito po ang bilin ng ating mahal na Pangulo… walang madi-displace at unahin ang mga mahihirap nating kababayan. Ang pilot staging area na ito ay magsisilbing modelo para sa iba pa nating proyektong urban renewal at transformation ng blighted areas sa iba’t ibang panig ng bansa,” Secretary Acuzar. | ulat ni Merry Ann Bastasa