Sisimulan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagsasagawa ng 2024 Population Census at Community-Based Monitoring System (CBMS) sa July 15.
Pinondohan ito ng ₱5.2-billion na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-update o kunin ang pinakabagong populasyon o bilang ng mga Pilipino at matukoy ang dami ng mga benepisyaryo ng mga social protection programs ng pamahalaan sa tulong ng CBMS.
Ayon kay PSA Undersecretary Dennis Mapa, ang mga datos na makakalap ng ahensya ay magiging basehan, sa mga plano, programa, at polisiya na tutugon sa edukasyon, kalusugan, trabaho, pabahay at pag-angat ng ekonomiya.
Kaugnay nito, magde-deploy ang PSA ng aabot sa 70,000 enumerators para sa nationwide statistics gathering na gagawin mula Lunes hanggang Sabado.
Nanawagan naman ng kooperasyon ang PSA sa publiko para sa pagsagot ng questionnaires sa POPCEN-CBMS na tatagal ng 45 minuto hanggang isang oras.
Tiniyak rin ng PSA na lahat ng datos na makokolekta nito ay mananatiling confidential. | ulat ni Merry Ann Bastasa