Nagpaalala ang Manila Electric Company (MERALCO) sa mga customer nito na maging maingat sa paggamit ng mga electrical facilities at mga appliance ngayong panahon ng tag-ulan.
Ito, ayon sa MERALCO, ay dahil sa mas mataas na posibilidad ng pagbaha sa panahong ito at lubhang napakadelikado kung hindi mag-iingat ang lahat.
Payo ng MERALCO, ugaliin ang pagpatay ng main electrical power switch o ang circuit breaker kapag may pagbaha.
Kailangan din palaging siguruhin na tuyo ang mga kamay kung hahawak ng mga electrical facility at mga appliance gayundin ang lahat ng mga kable, connector, at iba pang mga de-kuryenteng kagamitan.
Kung sakaling mabasa ang mga saksakan at mga appliance, ipasuri muna ang mga ito sa isang lisensyadong electrician bago muling gamitin upang maiwasang makuryente.
Pinayuhan din ng MERALCO ang mga customer nito na panatilihing bukas ang mga linya ng komunikasyon at tiyaking nakahanda ang mga cellphone, laptop, radio, at iba pang gamit para sa komunikasyon. | ulat ni Jaymark Dagala