Hinimok ng Quezon City government ang mga residente na makiisa sa pag-arangkada ng Population Census at Community Based Monitoring System ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa LGU, mandatory o required ang bawat QCitizen na sumagot sa census sa pamamagitan ng pagbibigay ng tama at kumpletong impormasyon sa enumerators.
Ang sino mang mapapatunayang lumabag sa RA 10625 ay maaaring patawan ng isang taong pagkakakulong at multang aabot sa ₱100,000.
Kaugnay nito, tinukoy ng pamahalaang lungsod na layon ng census para sa pag-update o pagtitiyak na wasto ang bilang ng kabuuang populasyon at mai-update ang listahan ng mga benepisyaryo ng iba’t ibang social protection programs ng gobyerno para masigurong epektibo ito at nakakarating sa mga nangangailangan.
Malaki rin aniya ang papel ng POPCEN-CBMS sa pagbabalangkas ng pamahalaan ng mga proyekto at programang nakatuon sa pagtulong sa mga mahihirap na pamilya. | ulat ni Merry Ann Bastasa