Todo paghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Quezon City para sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 22.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, tutulong ang Department of Public Order and Safety, Task Force Disiplina, at mga barangay officials sa Quezon City Police District para sa pagpapanatili sa kaayusan ng lungsod.
Nabatid na nasa 6,500 na pulis mula sa QC Police District ang ipakakalat sa SONA ni Pangulong Marcos.
Ayon sa alkalde, magdadagdag din ng traffic enforces ang Transport and Traffic Management Department (TTMD) para pangasiwaan ang daloy ng trapiko sa mga lansangan sa QC lalu sa may Batasan area na pagdarausan ng Sona.
May naitalaga na rin aniyang Libreng Sakay ang QCity Bus para serbisyuhan ang mga commuters.
Sinabi pa ni Belmonte, nakaalerto na rin ang Disaster Risk Reduction and Management Office sakaling magkaroon ng emergency pati na ang Emergency Medical Services, Search and Rescue teams, at Barangay Health Emergency Response Teams.
Hinikayat naman ng alkalde ang mga pro at anti-administration demonstrators na makipag-ugnayan sa Department of Public Order and Safety (DPOS) para sa permit.
“Quezon City remains a bastion of democracy and free speech as we uphold every Filipino’s right to peacefully assemble. However, all rallyists are encouraged to police their ranks and mandated to follow the law,” pahayag ni Belmonte.
May ilalabas na rerouting plan ang lungsod para sa mga motorista kaugnay ng Sona ni Pangulong Marcos. | ulat ni Merry Ann Bastasa