Pinaghahandaan na ng Quezon City Law and Order Cluster ang araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa darating na Hulyo 22.
Nagpulong ang iba’t ibang departamento ng lungsod para sa maayos na latag ng mga tauhan nito bago at pagkatapos ng SONA.
Kabilang sa pulong sina Chief of Staff Rowena Macatao, Department of Public Order and Safety Head Elmo San Diego, QC Police District Deputy District Director for Operations Police Colonel Amante Daro, Department of Sanitation and Cleanup Works head Richard Santuile, mga kinatawan ng Traffic and Transport Management Department at Metro Manila Development Authority at iba pang kinatawan ng QC.
Nauna nang naghayag ng kahandaan sa SONA ang Quezon City Police District (QCPD) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa panig ng Quezon City-Department of Public Order and Safety (QC-DPOS), magpapakalat din ito ng mga traffic enforcer sa Commonwealth, Batasan Complex, bukod sa iba pang lugar para magmando sa daloy ng trapiko.
May ikakalat ding mga tauhan mula sa Quezon City Department of Sanitation and Cleanup Works para sa paglilinis ng kalat sa lansangan katuwang ang MMDA.
Titiyakin ng pamahalaang lungsod na masiguro ang kaligtasan ng lahat sa darating na SONA 2024. | ulat ni Rey Ferrer