Kung balik-eskwela na ang karamihan ng estudyante sa malaking bahagi ng bansa, nananatili namang walang pasok sa ilang pampublikong paaralan dito sa Quezon City, kabilang na ang Sto. Cristo Elementary School.
Isa kasi ito sa mga eskwelahan na ginamit na evacuation center ng mga residenteng naapektuhan ng malawakang pagbaha dulot ng bagyong Carina at habagat.
Kanina, may pangilan-ngilan pang magulang ang hinatid pa ang mga anak sa pag-aakalang may pasok ngayong araw.
Ayon kay Tatay Louie, hindi niya nabalitaang naurong pala ang pasok sa Sto. Cristo Elementary School.
Una nang nag-abiso ang QC LGU na sa Huwebes na, August 1, ang pagbubukas ng klase sa 10 paaralan na ginamit na evacuation center habang sa August 5 naman ang unang araw ng klase sa mga eskwelahang napinsala para bigyang-daan ang rehabilitasyon at paglilinis.
Sa Sto. Cristo Elementary School, noong weekend pa nag-uwian ang mga evacuee pero tuloy-tuloy ang paglilinis gaya ng mga nagkalat na basura at sanga ng puno.
May mga guro namang maaga pa ring pumasok para boluntaryong maglinis sa kanilang mga classroom. | ulat ni Merry Ann Bastasa