Nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na wala pa silang sapat na pag-aaral na naging dahilan ng pagbaha sa Metro Manila ang reclamation project sa Manila Bay.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni DPWH Undersecretary Cathy Cabral, kailangang magsagawa pa ng pag-aaral ang ilang ahensya ng pamahalaan para malaman kung may kontribusyon sa pagbaha ang Reclamation projects.
Posibleng isa aniya sa sanhi ng mga pagbaha ay ang pagiging overpopulated na sa National Capital Region at ang Climate Change.
Nilinaw din ni Usec. Cabral na ang ₱244-billion para sa flood control ay nakalaan hindi lamang sa Metro Manila, kundi para sa buong bansa.
Bahagi ng pondo ay mapupunta sa iba’t ibang proyekto, kasama na ang pag aaral o engineering investigation sa mga proyekto ng DPWH.
Sa mahigit 5,000 proyekto ng DPWH, 600 proyekto ay nakatuon sa National Capital Region. | ulat ni Rey Ferrer