Rep. Marcoleta, nais paimbestigahan ang natuklasang offshore account ng isang Comelec official

Facebook
Twitter
LinkedIn

Plano ni SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta na pormal na maghain ng resolusyon para paimbestigahan ang natuklasang offshore accounts na iniuugnay sa isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec).

Sa isang pulong balitaan, tinukoy ng mambabatas na mayroon siyang natuklasang 49 na offshore accounts na pawang mula sa Singapore, China at Hong Kong, Carribean at North America.

Nagkakahalaga aniya ang mga account na ito ng US$15.2 million o halos P1 billion.

Ang US$2.1 million dito o katumbas ng P120 million ay ipinadala mula Korea sa pagitan ng mga buwan ng June 22, 2023 at March 22, 2024.

Ang nais ngayon ni Marcoleta, magpaliwanag ang COMELEC kung bakit ang mga transfer ng pera na ginawa mula Korea patungo sa mga account ay nataon sa mga panahon na pinapaboran ng COMELEC ang Miru Systems na siyang bagong automated service provider para sa 2025 elections.

Nag-umpisa aniya ito noong June 22, 2023 matapos maghain ng petisyon para i-disqualify ang Smartmatic sa bidding bilang service provider.

Pinakahuli naman dito ay naganap noong March 22, 2024 matapos selyuhan ang kontrata sa pagitan ng COMELEC at Miru system ng kaparehong buwan.

Aminado naman si Marcoleta, na nasa proseso pa sila ng beripikasyon sa naturang mga account.

Muli rin kinuwestyon ni Marcoleta ang plano ng Miru Systems na gamitin ang tinatawag na “two-systems-in-one” sa 2025 midterm elections, kahit hindi pa nasusubukan at prototype pa lang ang ipiniprisinta.

Aniya, kung pahihintulutan ito ng COMELEC ay posibleng malabag ang Automated Election Law. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us