Upang maibsan ang hirap ng ating mga kababayan kasunod ng hagupit ni Bagyong Carina at habagat, inanunsyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagpapalawig ng pagbabayad ng tax dues hanggang July 31, 2024.
Ang extension ay para lamang sa ilang revenue district offices ng BIR.
Kabilang dito ang National Capital Region, Region 3, at Region 4A na lubos na naapektuhan ng bagyo.
Pinapayuhan ang mga taxpayers na i-check ang website at official social media accounts ng BIR.
Samantala, kasalukuyan ngayong iniinspeksyon ng Bureau of Customs (BOC) ang imbentaryo ng kanilang mga nakumpiskang kalakal.
Ayon sa Aduana, kanilang ido-donate ang mga ligtas pang agricultural products, pagkain, at iba pa para sa mga biktima ng bagyo.
Ayon naman kay Finance Secretary Ralph Recto, ang mga naturang hakbang ay bahagi ng tulong ng dalawang revenue agency sa mga naapektuhan ng bagyo upang mas mapabilis ang kanilang pagbangon. | ulat ni EJ Lazaro