Tuloy na tuloy na bukas, Aug. 1 ang pagarangkada ng “Rice-for-All” program ng Department of Agriculture (DA).
Programa itong mag-aalok ng abot-kayang bigas sa lahat ng Pilipino na bukod pa sa P29 program.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, well-milled ang bigas na ibebenta sa “Rice-for-All” program na magkakahalaga ng P45, mas mura kumpara sa P51-P55 na bentahan ngayon ng imported na bigas.
Sisimulan ito sa apat na Kadiwa Sites kabilang ang FTI sa Taguig City, Llano Road sa Caloocan, Potrero sa Malabon, tanggapan ng BPI sa lungsod ng Maynila.
Hanggang sa 25 kilos naman ang maaaring bilhin ng bawat mamimili kada araw sa ‘Rice for All’ program.
Ang bentahan ay gagawin kada huwebes, biyernes at sabado.
Ayon kay Asec. De Mesa, bukod sa well milled rice, may ibebenta ding premium rice na P52 kada kilo sa FTI Kadiwa Site.
Katuwang ng DA sa bentahan ng murang bigas ang commercial stakeholders/partner traders na direktang magbebenta sa mga mamimili.
Bukod naman sa Rice for All, patuloy na palalawakin ng DA ang P29 program na ngayon ay available na sa 17 kadiwa sites sa Metro Manila, Bulacan at CALABARZON. | ulat ni Merry Ann Bastasa