Abiso po sa mga motorista…
Ilang kalsada sa lungsod ng Taguig ang pansamantalang isasara hanggang mamayang 10:00 ng gabi sa lahat ng uri ng sasakyan dahil pa rin sa selebrasyon kasunod ng Taguig River Festival.
Ayon sa traffic advisory, ang bahagi ng General Luna Street sa Barangay Tuktukan mula Global Oil hanggang Mr. DIY ay mananatiling nakasara magmula 10:00 ng gabi kahapon hanggang 10:00 ng gabi ngayong araw.
Ilang alternatibong ruta naman ang nakalatag sa mga maaapektuhang motorista:
- Ang mga sasakyan mula sa Cayetano Boulevard ay pinapayuhan na kumanan sa Vista Mall/Bagong Kalsada, at pagkatapos ay kumanan muli sa General Luna Street papunta sa MLQ.
- Para sa mga nanggagaling sa Bagumbayan, kumaliwa at pagkatapos ay kumanan papuntang Cayetano Boulevard o Pasig via Bagong Calzada.
Humihingi naman ang mga lokal na awtoridad sa pasensya at kooperasyon ng publiko sa mga panahong ito.
Ginugunita ang Taguig River Festival tuwing buwan ng Hulyo upang ipagdiwang ang masaganang ani ng banak o “sea mullet” na galing sa ilog ng Taguig noong mga unang panahon, na tumutugon sa pangangailangan sa pagkain ng mga taga-lungsod.| ulat ni EJ Lazaro