Matagumpay na naisakatuparan ang rotation and reprovisioning o RORE mission sa BRP Sierra Madre na matatagpuan sa Ayungin Shoal ngayong araw, Hulyo 27, 2024, ayon sa pinakahuling pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang nasabing RORE mission ay ang kauna-unahang naisagawa sa ilalim ng bagong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. Ginamitan ang misyon ng sibilyang barko na MV Lapu-Lapu, na sinamahan ng barkong BRP Cape Engaño ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa nasabing pahayag din, ipinaabot ng DFA na naisagawa ang RORE mission sa exclusive economic zone (EEZ) nga bansa nang walang anumang hindi kanais-nais na insidente, na kredito sa propesyonalismo at kahandaan ng mga puwersang Pilipino na sangkot sa misyon magmula sa Philippine Navy at PCG, at ang malapit na koordinasyon sa pagitan ng National Security Council (NSC), Department of National Defense (DND), at ng DFA. | ulat ni EJ Lazaro