Iniharap ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang lalaking nag-viral sa social media matapos mambasa ng isang rider noong kasagsagan ng Wattah Wattah Festival.
Humingi ng paumanhin sa publiko si Lexter Castro o mas kilala sa tawag na “Boy Dila” dahil sa kaniyang ginawa na nagdulot ng galit sa publiko.
Ayon kay Castro, dahil sa kanya ay nasira ang pangalan ng San Juan at nais din niyang makaharap ang rider na naagrabyado niya para personal na humingi ng paumahin.
Inamin din ni Castro na matinding stress ang inabot niya dahil sa mga netizen na nagalit sa kanya nang tutukan niya ng water gun ang isang rider habang nakalabas ang kanyang dila.
Ayon naman kay Mayor Zamora, walang nilabag na ordinansa si Castro sa ginawa nito sa tradisyonal na basaan.
Aniya, ang mahalaga ay natutong magpakumbaba si Castro.
Nais din ng alkalde na magkaharap si Castro at ang naagrabyadong rider.
Tiniyak din ni Zamora na bibigyan niya ng proteksyon si Castro dahil alam niyang marami ang nagalit dito at nagbabanta sa kaniyang buhay.
Gayundin, nakahanda aniyang maibigay ng tulong ang San Juan LGU sa rider sakaling lumapit ito sa kaniyang tanggapan at maghain ng reklamo.| ulat ni Diane Lear