Nanawagan si San Juan City Mayor Francis Zamora sa publiko na itigil na ang paggawa ng mga pekeng booking at delivery na naka-address kay Lexter Castro, ang lalaking naging viral dahil sa insidente ng pambabasa sa isang rider gamit ang water gun habang nakalabas ang dila sa kasasagan ng Wattah Wattah Festival.
Sa isang pulong balitaan sa San Juan City Hall ngayong araw, sinabi ni Mayor Zamora na ang mga pekeng booking at delivery ay nakakaapekto hindi lamang kay Castro kundi maging sa mga delivery riders at sellers.
Kanina nagpahayag din ng pagsisisi si Castro sa kanyang mga ginawa at humingi ng paumanhin sa publiko, lalo na sa rider na kanyang nabasa.
Hinimok din ni Mayor Zamora ang publiko na gamitin ang social media nang responsable at iwasan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon at paninira sa kapwa.
Samantala, tiniyak ng alkalde na patuloy na paiigtingin ng pamahalaang lungsod ang seguridad at kaligtasan sa mga susunod na pagdiriwang ng Wattah Wattah Festival.
Aniya, aamyendahan ng San Juan LGU ang 2018 City Ordinance para matugunan ang lahat ng mga butas at gray area nito at lalo pang pataasin ang multa para sa mga lalabag sa pagdiriwang ng Basaan Festival.| ulat ni Diane Lear