Narekober ng mga operatiba ng Quezon City Police District – District Anti-Carnapping Unit (QCPD-DACU) ang isang kinarnap na sasakyan sa rent-tangay scheme.
Ayon sa QCPD, nahanap ang natangay na sasakyan sa Magalang, Pampanga.
Sa ulat ng awtoridad, nirentahan umano ng suspek na kinilalang si John Marvin Imperial ang Mitsibushi Expander na may plakang NIO-5377 ng apat na araw pero hindi na isinoli sa pinagrentahan.
Sa tulong naman ng tracking device na naka-install sa nanakaw na sasakyan, agad ding natunton ng mga operatiba ng QCPD DACU ang sasakyan sa tulong rin ng Police Regional Office 3 (PRO 3).
Nahanap ang sasakyang nakaparada sa isang bahay na kalaunan ay napag-alamang isinanla na pala ng ₱300,000 sa Casino Plus sa Clark, Pampanga.
Pansamantalang naka-impound ngayon ang sasakyan sa tanggapan ng DACU habang nagpapatuloy ang operasyon.
Patuloy namang pinaghahanap pa ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa R.A.10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.
Kasunod nito, muli namang nagpaalala sa publiko si QCPD Chief Police Brig. Gen. Red Maranan na mag-ingat, at suriing mabuti ang mga katransaksyon lalo na ang mga nagpaparenta ng sasakyan. | ulat ni Merry Ann Bastasa