Nilagdaan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang isang memorandum of agreement noong Hulyo 10, 2024, na magpapalawig sa paggamit ng lupa sa loob ng Subic Bay Freeport para sa mga barracks at isang training center ng PNP-SAF.
Nilagdaan ang nasabing MOA nina SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose Aliño at PNP-SAF Acting Director Police Brigadier General Mark Pespes.
Binanggit ni Chairman Aliño ang mga benepisyong pangkaligtasan at seguridad ng extension para sa komunidad ng Subic Freeport, kung saan mula pa noong 1998 ay ginagamit na ng PNP-SAF ang 14,231-square-meter na lupain sa Subic.
Ipinahayag naman ni Brigadier General Pespes, na kumakatawan kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, ang pasasalamat nito sa patuloy na suporta ng SBMA, kasabay ang mahalagang papel nito sa capability enhancement ng PNP.
Matapos ang paglagda sa MOA, binisita ni General Pespes ang 85th Special Action Company at ang training center ng 2nd Special Action Battalion na bahagi ng patuloy na pagsisikap ng PNP na matiyak ang operational readiness, mapalakas ang moralidad, at matugunan ang mga concern ng mga personnel nito.| ulat ni EJ Lazaro