Nainspeksyon na ni Senate President Chiz Escudero ang magiging detention room sa Senado ni suspended Bamban Tarlac Mayor Alice Guo at kanyang mga kaanak, sakaling maaresto na sila.
Tiniyak ni Escudero ang kaligtasan nina Guo lalo’t ang tutuluyan aniya ng mga ito ay kalapit lang ng opisina ng Philippine National Police (PNP) sa loob ng Senado.
Samantala, sinabi rin ng senate president na pwede pang mapaaga sa July 29 ang susunod na magiging pagdinig ng Senate Committee on Women tungkol sa operasyon ng mga POGO.
Ito ay sa gitna ng concern ng legal counsel na pinapaaresto ng Senado na matagal masyado ang hihintayin ng kanilang mga kliyente kung maaaresto sila ngayon at sa 29 pa ang pagdinig.
Ayon kay Escudero, pinaabot na niya kay committee Chairperson Sen. Risa Hontiveros na kung makukumpleto ang mga pinapatawag na resource person ngayong linggo ay maaari na silang mag schedule ng mas maaagang petsa ng hearing.
Kaya lang aniya nila itinakda sa July 29 ang pagdinig ay para mabigyan ng sapat na panahon ang Senate Sargeant-at-arms na maisilbi ang mga warrant of arrest at subpeona sa mga pinapadalo sa pagdinig. | ulat ni Nimfa Asuncion