Aabot sa mahigit 22 libong pulis at force multipliers ang ipakakalat para sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang inihayag ni NCRPO Director, PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr kasabay ng paglikha nila ng Security Task Force SONA 2024 para tiyakin ang seguridad at kaligtasan sa nabanggit na okasyon.
Mula sa nasabing bilang, sinabi ni Nartatez na halos 18 libong mga Pulis ang magmumula sa NCRPO, halos 2 libong Pulis ang mula naman sa karatig na Regional Office gaya ng Central Luzon at CALABARZON.
Habang nasa mahigit 2,700 naman ang magsisilbing force multipler o buhat sa iba pang ahensya gaya ng MMDA, Coast Guard, BFP, BJMP at mga Lokal na Pamahalaan.
May ipakakalat din aniya silang Medical Assistance desk sa mga lugar na pagdarausan ng mga pagtitipon gayundin ay mayroon din silang help desk na ilalagay sa areas of convergence.
Maliban sa mga lugar malapit sa Batasang Pambansa, sinabi ni Nartatez na may ipakakalat din silang tauhan partikular na sa EDSA Shrine sa Quezon City at Mendiola sa Maynila na siyang posibleng pagdausan ng mga pagkilos. | ulat ni Jaymark Dagala