Balak ni Senador at incoming Education Secretary Sonny Angara na makausap ang mga kasamahan niya sa senado bago siya opisyal na maupo sa Department of Education (DepEd).
Ayon kay Angara, maliban sa nais niyang pasalamatan ang mga kasamahan niyang sumuporta sa kanya ay nais niya ring ipahayag sa mga ito ang kanyang kahandaan na makipagtulungan sa kanila bilang kalihim ng DepEd.
Partikular na tinukoy ni Angara, na nais niyang makausap sina Senate Committee on Basic Education Chairperson Senador Sherwin Gatchalian, Senate Committee on Finance Chairperson Sen. Grace Poe, na siyang hahawak ng panukalang budget at si Senate President Chiz Escudero.
Susubukan rin aniya ng senador na makasaglit sa opening ng Senate session sa July 22 kung kakayanin ng kanyang schedule para makapagpaalam sa mga kasamahan sa senado.
Nakatakda sa July 19 ang pagsisimula ng trabaho ni Angara bilang DepEd secretary.
Sa ngayon ay naghihintay pa ng schedule si Angara kung kailan ang kanyang magiging oathtaking. | ulat ni Nimfa Asuncion