Inirekomenda ni Senador Sherwin Gatchalian sa Senado na sampahan ng kasong paglabag sa article 150 ng revised penal code sina suspended Mayor Alice Guo at ang mga kaanak nito na hindi sumunod sa contempt at arrest order ng Senado.
Tinutukoy nito ang batas tungkol sa hindi pagsunod ng isang indibidwal sa summon o pagpapatawag ng Kongreso o Constitutional Commissions na tumayo bilang testigo sa mga pagdinig nito.
Sa pagdinig ngayong araw, ipinaliwanag ni Gatchalian na ilang linggo na ang nakakalipas mula nang ibaba ng Senado ang contempt at arrest warrant laban kina Guo pero hindi pa rin sila nahahanap at nagpapakita sa mga awtoridad.
Sa pamamagitan aniya ng paghahain ng kaso ay magiging pormal at magkakaroon ng court case sa paglabag nina Guo sa kautusan ng Mataas na Kapulungan.
Ang rekomendasyong ito ay pinapasama rin ni Gatchalian sa committee report na ilalabas ng Senate Committee on Women, bagay na sinang-ayunan naman ni committee chairperson Senadora Risa Hontiveros.
Samantala, matapos dumalo at sumagot sa mga tanong ng mga senador, inalis na ang contempt at arrest order laban kina Nancy Gamo (dating accountant ni Guo) at Dennis Cunanan. | ulat ni Nimfa Asuncion