Pinag-aaralan na ng kampo ni Senator Nancy Binay na maghain ng reklamo sa Senate Committee on Ethics laban kay Senador Alan Peter Cayetano.
Matatandaang sa naging public hearing ng Senate Committee on Accounts kahapon tungkol sa new senate building, nagkaroon ng mga akusasyon si Cayetano kay Binay na kinokontsaba ang mga miyembro ng media, sinabihan ng ‘nabuang ka na’day” at tinawag pa siyang ‘marites’.
Ayon kay Binay, magkokonsulta muna siya sa kanyang mga staff kung anong dapat na aksyong gawin kaugnay nito.
Sa ngayon ay hindi pa aniya nababasa ng mambabatas ang buong transcript ng pagdinig at pag-aaralan pa ito ng kanilang legal team.
“Magkokonsulta muna ako sa staff ko kung ano ang appropriate action to take. Di ko pa nababasa ang buong transcript at pag-aaralan pa ng legal team namin. I’ll let you know kung mag-decide kaming i-elevate sa ethics committee.” – Sen. Nancy Binay
Kaugnay nito, sinabi ni Senate Committee on Ethics Chairperson Senador Francis Tolentino na handa niyang talakayin ang anumang ihahaing reklamo sa kanyang komite.
Aminado rin si Tolentino na may pagsisisi siyang umalis siya sa naturang Senate hearing ng maaga.
Kung hindi kasi aniya ay baka napigilan niya ang pag-init ng sagutan nina Binay at Cayetano.
“I will deal with it [complaint] if it is referred to the ethics committee. My regret is I left the hearing early; it’s just that maraming visitors who came all the way from Baguio (Philippine Military Academy) and I had to receive them yesterday. Di sana nangyari yon.” – Senate Committee on Ethics Chairman Sen. Francis Tolentino | ulat ni Nimfa Asuncion