Wala nang inaasahang sorpresa o anumang galaw sa liderato ng Senado si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pagbubukas ng kanilang 3rd regular session sa Lunes.
Ayon kay Pimentel, dapat lang bigyan ng mapayapang panahon si Senate President Chiz Escudero na makamit ang kanyang mga nais mapagtagumpayan para sa Mataas na Kapulungan.
Samantala, umaasa ang minority leader na maiuulat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes ang mga napagtagumpayan na ng administrasyon nito.
Paliwanag ng senador, ngayong ikatlong SONA na ng punong ehekutibo ay dapat nang mailatag pangulo ang kanyang achievements.
Isa rin aniya sa mga inaabangan ni Pimentel ang magiging ulat ni Pangulong Marcos kaugnay ng sektor ng agrikultura lalo’t malaki aniya ang pondo na inilalaan dito.
Nais rin ng minority leader na madinig ang tungkol sa estado ng pabahay sa bansa at ang magiging posisyon ng pamahalaan sa operasyon ng mga POGO sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion