Naghain ng resolusyon si Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Raffy Tulfo para maimbestigahan ang mga problema sa RFID system sa mga tollways.
Sa inihaing Senate Resolution 1060 ng senador, pinunto nito ang pagkabahala sa mga reklamo sa palpak na RFID system na nagiging sanhi ng buhol-buhol na traffic sa mga expressway.
Kabilang sa mga reklamo ang hindi nababasa ng mga scanner dahil sa reader malfunction o kaya naman ay maling pagkakalagay sa posisyon ng mga ito.
Dahilan para hindi agad umaangat ang mga toll barrier na nagiging sanhi ng matinding traffic.
Isa rin sa reklamo ang hindi agad nake-credit o pumapasok na load sa mga RFID na nagiging sanhi din ng problema sa expressways.
Kaya naman, inirekomenda ni Tulfo sa Toll Regulatory Board (TRB) na pwersahan nang itaas ang barrier sa mga tollway kapag umabot na sa tatlong sasakyan ang nakapila dahil sa pagma-malfunction ng RFID reader.
Hinimok din ng mambabatas ang TRB na simulan nang ipatupad ang barrier-less na sistema sa mga expressway sa bansa.
Mungkahi rin ni Tulfo sa TRB, na magpataw ng mas mataas na multa at mas istriktong parusa sa mga toll operator sa bawat paglabag nila at pagbibigay perwisyo sa mga motorista.
Nangako naman ang TRB na masosolusyunan na ang lahat ng isyu sa RFID hanggang Oktubre ngayong taon. | ulat ni Nimfa Asuncion