Umaasa si Senador Risa Hontiveros na sa ipapatawag niyang susunod na pagdinig ng kanyang komite tungkol sa mga POGO ay isisiwalat na ni PAGCOR Chief Alejandro Tengco ang kanyang nalalaman.
Ito ang tugon ni Hontiveros sa inilabas na pahayag ng PAGCOR chief nitong weekend na isang dating high ranking cabinet official ang nagla-lobby ng lisensya para sa mga iligal na POGO.
Umaasa aniya ang senador na sa susunod nilang magiging pagdinig ay mismong si Tengco na ang haharap at hindi lang ang mga kinatawan nito.
Sa huli, binigyang-diin ng mambabatas na sinuman itong ex-cabinet official ay nananatili pa rin ang katotohanang nagagamit ang mga POGO bilang pantakip sa mga scam hubs.
Pinunto ni Hontiveros na napatunayan na sa mga pagdinig ng Senado na kahit pa may ligal na lisensya mula sa PAGCOR ay may nangyayari pa ring mga kriminal na aktibidad sa mga POGO.
Kaya naman napapanahon na aniyang huwag nang pag-ibahin ng PAGCOR ang mga ligal at iligal na POGO dahil ang buong industriya aniya ay sanhi na ng iba’t ibang mga krimen. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion