Plano ni Senate Committee on Public Services chairman Senador Raffy Tulfo na maghain ng resolusyon para suspendihin na muna ang pagpapatupad ng public utility vehicle (PUV) modernization program.
Ito ay matapos imungkahi rin mismo ni Senate President Chiz Escudero ang pagpapaliban muna ng programang ito.
Sinabi rin ni Escudero na para sa kanya ay hindi pinag-isipan, hindi pinaghandaan at hindi natanong ng nakaraang adminsitrasyon ang PUV sector sa pagpapatupad ng programang ito.
Siya mismo, noong gobernador siya ng Sorsogon, ay hindi pumayag na maipatupad noon sa kanilang probinsya ang PUV modernization.
Binahagi pa ng Senate President na sa isang kooperatibang sumunod sa naturang programa, gumastos ito sa P300 million para bumili ng 40 hanggang 50 units ng modern jeep pero ngayon ay walo na lang ang natitirang operational.
Hindi rin pabor si Escudero na tila binubura ng modern jeep ang imahe ng iconic na traditional jeepneys.
Kumpiyansa ang Senate leader na kapag itinuloy nila ang pag-aapruba ng resolusyon na makikinig si Pangulong Marcos sa kanilang magiging panawagan.
Tiwala rin ni Tulfo na susuportahan ng mga kapwa senador nila ang resolusyon na ito.| ulat ni Nimfa Asuncion